Nakahanda ang Department of Foreign Affairs (DFA) na ibalik rin sa Tripoli Libya ang mga Pinoy na uuwi sa harap ng nagaganap na kaguluhan doon.
Sa kanyang Twitter post, sinabi ni Foreign Affairs Secretary Teddy Boy Locsin na ipinapangako niyang makakabalik sa kanilang trabaho sa Tripoli Libya ang mga uuwing OFW sa sandaling humupa ang kaguluhan doon.
Una rito, isinailalim na ng DFA sa alert level 3 ang Libya ay hinikayat ang mga OFW doon na pag-isipan ang pag-uwi muna sa Pilipinas.
Matatandaan na kahit sa kasagsagan ng kaguluhan noon sa Libya ay marami pa ring manggagawang Pinoy ang mas piniling manatili sa naturang bansa.
PHL Embassy in Tripoli
Pinababalik na ng bansa ang mga Pilipinong nakatira at nagtatrabaho sa may 100-kilometer radius ng Tripoli, Libya.
Ito ayon kay Charge de Affaires Elmer Cato ay para na rin sa kaligtasan ng mga nasabing Pilipino sa gitna ng tensyon sa lugar.
Tiniyak ni Cato na tutulong ang embassy sa repatriation ng mga Pilipino subalit pinapayuhan nila ang mga nais maiwan sa Tripoli na manatiling alerto at mag-ingat.
Dapat din aniyang limitahan ng mga Pilipino ang kanilang mga kilos at iwasang lumabas sa kanilang mga bahay hanggang magbalik sa normal ang sitwasyon.
—-