Inanunsyo ngayon ng Philippine Overseas Employment Administration o POEA na nananatiling malakas ang demand ng mga Overseas Filipino Worker (OFW) sa ibang bansa ngayong taon.
Sa kabila ito ng samu’t saring gulo o tensyon na nagaganap sa iba’t ibang bansa gaya ng Saudi Arabia at Iran.
Inisa-isa ni POEA Administrator Hans Leo Cacdac ang mga trabaho na bukas para sa mga OFW kabilang na sa Gitnang Silangan kung saan in-demand ang mga household worker, nurse, engineer, construction worker, medical and laboratory technician, cook, waiter, welder at iba pa.
Habang sa mga bansang Japan, South Korea at Taiwan, in-demand ang mga construction, ship-building, domestic work, care at factory worker.
Sa Estados Unidos, tuloy-tuloy ang demand sa computer-related workers at mga healthcare professional.
In-demand naman sa Canada ang mga trabahong may kinalaman sa pagnenegosyo, natural at applied sciences, education, government service at manufacturing.
Ipinabatid din ni Cacdac na malaki ang pangangailangan sa mga OFW sa Europa, Malta, Australia, United Kingdom at iba pa.
By Meann Tanbio | Allan Francisco