Hinimok ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) ang mga Pilipino domestic workers sa Hong Kong na agad i-report sa kanila sakaling makaranas ng hindi makatarungang pagtanggal sa trabaho.
Ito ay bunsod naman ng ipinatupad noong travel ban ng Pilipinas sa Hong Kong bunsod ng banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay Assistant Labour attache and officer-in-charge Antonio Villafuerte, may mga kinakailangang requirements ang maibigay ng mga employer bago tanggalin sa trabaho ang isang Pilipino domestic worker.
Isa aniya rito ang paglalabas ng abiso, isang buwan bago ang pagterminate sa trabaho ng isang OFW.
Sinabi ni Villafuerte, sakaling biglaan ang pagtanggal sa trabaho at walang ibinigay na abiso, kinakailangang bayaran ng employer ang isang buwang sahod ng OFW kasama ang ticket pauwi ng Pilipinas, food allowance, at severance pay sakaling lagpas ng limang taon na ang serbisyo nito.
Dagdag ni Villafuerte, agad din silang makikipag-ugnayan sa ahensiya ng OFW para makahanap ng kapalit na employers kung may kaugnayan sa COVID-19 o travel ban ang pagsibak dito.