Sakop na ng Balik Manggagawa Program ang mga OFW sa Iraq.
Nangangahulugan ito ayon kay Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano na makakapag bakasyon ng Pilipinas ang mga OFW mula sa Iraq nang hindi nag aalalang mawawalan sila ng trabaho pagbalik duon.
Sinabi ni Cayetano na isinulong niyang mapalawig ang programa sa mga OFW sa Iraq dahil hiniling ng mga itong makauwi ng bansa ngayong Kapaskuhan.
Naka base aniya sa humanitarian grounds at kapareho nang ibinigay nilang pagkakataon sa mga OFW na nasa Afghanistan at Libya ang pagtupad sa nasabing kahilingan ng mga Pilipinong nagta trabaho sa Iraq.
Pasok sa nasabing programa ang may 1,000 Pilipino na nagta trabaho sa Babil, Baghdad, Basra, Dhiqar, Karbala, Maysan, Muthanna, Najaf, Qadisiyah, Saladin, Wasit at iba pang lugar na idineklarang ligtas ng Philippine Embassy.