Binigyang-pugay ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Junior ngayong araw ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs).
Sa gift-giving ceremony na naganap sa Kalayaan Grounds sa loob ng Palace compound, kinilala ni Pangulong Marcos ang mga makabagong bayani na nagsakripisyo hindi lamang para sa kanilang pamilya kundi sa buong bansa.
Binigyang-diin nito ang pagiging malapit ng mga OFWs sa kaniyang puso, kasabay ng pagtiyak niyang paiigtingin ang Department of Migrant Workers (DMW) upang matugunan ang pangangailangan ng mga Pilipinong nagtatrabaho sa ibang bansa.
Samantala, sa nasabing event din ay pinasalamatan ng punong-ehekutibo ang mga Pilipino dahil sa malaking ambag nito upang maibangon ang ekonomiyang nalugmok ng COVID-19 pandemic.
Maliban sa papuri, namahagi rin ang pangulo ng Christmas gift sa mga OFWs kung saan katuwang niya si First Lady Liza Araneta Marcos, at anak nilang si Joseph Simon at William Vincent.
Nilalaman ng handog na regalo ang limang kilong bigas, noodles, kape at canned goods.