Pumapalo na sa 7,000 ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na natengga sa mahigit 100 quarantine hotels.
Ito, ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, ay matapos itigil ng Philippine Red Cross (PRC) ang pagproseso sa swab test ng mga umuuwing overseas Filipinos.
Sinabi sa DWIZ ni Bello na matagal lamang maproseso sa iba ang swab test ng overseas Pinoys gayung sa PRC ay inaabot lamang ng isa hanggang tatlong araw ay nailalabas na ang resulta kaya’t napapauwi na rin kaagad sa mga lalawigan ang mga ito.
Lumalaki rin aniya ang gastusin ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa bayarin sa accommodation at pagkain ng mga umuuwing Pinoy.
Kawawa naman ‘yung ating mga kababayan na natetengga na, baka dumami pa, matetengga na naman ‘yung ating mga kababayan. 126 na hotels na ang napupuno namin dito sa Metro Manila. Meron na kaming pinapunta sa Tagaytay, puno na ang ating mga hotel dito,” ani Bello sa panayam ng Balitang Todong Lakas.
Dahil dito, nakiusap si Bello kay Senador Richard Gordon, chairman ng PRC, na kung maaari ay ibalik na ang pagproseso sa swab test ng overseas Pinoys lalo na’t ang Pangulong Rodrigo Duterte naman aniya ang nangakong babayaran ang utang ng PhilHealth sa PRC.