Seryoso ang bagong Philippine National Police o PNP Chief na si Director General Oscar Albayalde na isabak sa mala-SAF o Special Action Force training ang mga bagong recruit na pulis.
Naniniwala si Albayalde na malaki ang maitutulong ng naturang mahigpit na pagsasanay para mahubog sa disiplina at katatagan ang mga nagnanais na maging pulis.
Sinabi ni Albayalde na suportado siya ni Pangulong Rodrigo Duterte maging ni dating PNP Chief at ngayo’y Senador Panfilo Lacson na palakasin ang training ng mga nag-aambisyong maging bahagi ng Pambansang Pulisya.
“We will develop their skills particularly ‘yung kanilang will to fight just like a SAF trooper, I think it will help in developing the discipline and the attitude of our policemen, unlike kasi kapag nag-OJT sila, 6 months sila sa basic recruit then ibibigay nila sa atin nandun lang sila, especially po dito sa Metro Manila makita mo sila naka-assign sila sa Manila, sa QC, nakita oh puwede pala dito, tapos kung minsan kung loko-loko pa ‘yung field training officer nila uutusan pa ‘yan, sa mga vendor, sa mga ganito, so nakikita nila, nako-corrupt na agad ‘yung utak nila eh.” Ani Albayalde
Sinabi ni Albayalde na hindi tatanggapin sa serbisyo ang mga recruit na hindi makakapasa sa naturang anim na buwang pagsasanay.
“If they will not qualify on that training, remember hindi pa permanent ang mga ito, ang tawag nila dito is they are on a temporary status, kung hindi nila makayanan ‘yun although wala akong makitang rason kung bakit hindi nila makayanan, it’s because this is just a question of attitude.” Dagdag ni Albayalde
Samantala, hindi naman nababahala ang bagong PNP Chief na baka mabawasan ang bilang ng mga nais pumasok sa pagpupulis dahil sa bigat ng kailangang pagdanaan ng mga ito.
“Napakarami pong gustong mag-pulis ngayon especially po na doble-doble na ang suweldo natin, saan ka makakakita sabi ko nga na entry level is more than P37,000, even siguro ang batang doktor na papasok sa isang ospital ay hindi kikita ng P37,000 in a month.” Pahayag ni Albayalde
—-