Nangangamba ang ilang grupo ng magsasaka sa posibleng pagbaha ng imported na sibuyas dahil sa ikinakasang importasyon na itatapat sa kasagsagan ng anihan sa Pebrero.
Inihayag ni PESA Onion and Vegetable Farmers Association chairman Victor Layug na bago umangkat ay dapat magkaroon ng konsultasyon sa maliliit na samahan ng magsasaka.
Una nang inihayag ni Assistant Secretary Kristine Evangelista ng Department of Agriculture, na nasa 22,000 metric tons ang planong angkatin.
Gayunman, wala pa anyang pinal na desisyon ang kagawaran at kanila munang kokonsultahin si Pangulong Bongbong Marcos, na kalihim ng DA at ang mga magsasaka bago magpasya.
Aminado si Evangelista na sa sandaling mag-import ay maaaring mahirapan ang mga local onion farmer na makipag-kompetensya lalo’t mas mura ang imported na sibuyas.
Sa ngayon ay ilang magsasaka na ang nagsisimulang mag-ani na maaaring tumagal hanggang Marso o Mayo.