Pinabulaanan at mariing kinondena ng ilang opisyal at ahensya ng pamahalaan ang kumakalat na pekeng video ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa isang pahayag, binigyang-diin ng Department of National Defense (DND) na malinaw na isa itong paninira kay Pangulong Marcos at sa kanyang administrasyon.
Ayon sa Department of Information and Communications Technology (DICT), “deepfake” ang nasabing video. Nagpaalala rin ang ahensya sa publiko na labag sa batas ang paglikha at pagpapakalat sa pekeng video.
Kaugnay nito, tiniyak ng Department of Justice (DOJ) na gagawin nila ang lahat ng kinakailangang aksyon upang managot sa batas ang responsable sa umano’y mapanlinlang na gawaing ito.
Matatandaang napaulat na nagmula ang video sa isang pagtitipon ng Maisug sa Los Angeles, California.
Para naman kay Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos, “pathetic attempt” ang pekeng video na layong sirain ang administrasyon.
Samantala, nagbigay na ng direktiba si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos sa Philippine National Police (PNP) na gumawa ng isang task force upang matukoy ang indibidwal na responsable sa pag-uupload at pagpapalakat ng pekeng video ng pangulo.
Posibleng maharap ang responsable sa paglikha ng pekeng video sa mga kasong paglabag sa Republic Act No. 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012.