Umiikot sa loob ng Korte Suprema ang isang bukas na liham na nanawagan sa pagbibitiw sa puwesto ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Batay sa tatlong pahinang open letter na nakalap ng DWIZ Patrol, hayagan ang panawagan ng mga opisyal at kawani ng hudikatura kay Sereno na magbitiw na lamang sa puwesto bunsod na rin ng mga lumulutang na ebidensya laban sa kaniya sa impeachment hearing sa Kamara.
Partikular na tinukoy ng mga naturang opisyales at kawani ang hindi umano paghahain ng Statement of Assets, Liabilities and Networth (SALN) ng punong mahistrado, malimit na pagmamanipula nito sa Judicial and Bar Council (JBC) at pakiki-alam sa trabaho nito para sa kaniyang sariling interes.
Kasunod nito, nanawagan din ang mga opisyal at kawani ng hudikatura kay Atty. Larry Gadon na itigil na ang pagsasampa ng kaso laban sa mga senior officials at employees ng judiciary dahil sumusunod lamang ito sa kautusan ni Sereno upang huwag masibak sa kanilang trabaho.
CJ Sereno, puwersahan umanong pinagbakasyon ng mga mahistrado ng SC
Iginiit ng kampo ni Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno na Wellness Leave at hindi indefinite leave ang inihain ng punong mahistrado.
Ito ang inihayag ni Atty. Josa Deinla, tagapagsalita ni Sereno taliwas sa pinalutang ng ilang source mula sa high tribunal na puwersahang pinagbakasyon umano ng kaniyang mga kapwa mahistrado si Sereno.
Paliwanag ni Deinla, 15 araw tatagal ang wellness leave ng punong mahistrado epektibo mula Marso a-primero hanggang Marso 15 ng taong kasalukuyan.
Layon aniya nitong makapaghanda si Sereno para sa magiging depensa nito sakaling i-akyat na sa Senado ang reklamong impeachment laban sa kaniya.
Ayon sa ilang source ng DWIZ sa loob ng hudikatura, naging mainitan ang paghaharap nila Sereno at ng mga kapwa nito mahistrado sa isinagawang En Banc Session kahapon.
Nagbanta pa umano ang ilang mahistrado na lalabas at ipananawagan ang pagbibitiw ni Sereno kapag hindi ito pumayag sa kagustuhan ng mayorya na maghain ito ng indefinite leave.
Sinabi pa ng source na napapayag lamang umano si Sereno na maghain ng bakasyon nang makausap na nito sina Senior Associate Justice Antonio Carpio at Associate Justice Presbitero Velasco.
Jaymark Dagala/ Bert Mozo/ RPE