Iniimbestigahan na ng Department of Justice (DOJ) ang mga dating opisyal at personalidad na nasa likod ng pinasok ng gobyerno na kasunduan sa Maynilad at Manila Water.
Kasunod ito ng paninindigan ng gobyerno na hindi magbabayad ng P3.42 billion sa Maynilad batay sa desisyon ng Singapore arbitration court.
Ayon kay Justice Undersecretary Mark Perete, pananagutin ang mga opisyal na pumasok sa kasunduan sa dalawang water concessionaire na hindi pabor sa gobyerno.
Aniya, nakita kasi sa kanilang isinagawang pagbusisi na labag sa batas ang ilang probisyon ng water concessionaire agreement.
To review the contract before, that is something that we’ll also looking into, kasi nga ang directive ng pangulo is to look at –well, the whole contract, and then all those involved in the drafting of the contracts,” ani Perete.
Samantala, nanindigan naman si Perete na naaayon sa batas ang banta ni Pangulong Rodrigo Duterte na maaring itake-over ng gobyerno ang naturang mga water concessionaire kung hindi mapaplantsa ang gusot.
Ang ating Saligang Batas, nagsasabi na kapag public utility ka at mayroong public emergency, pwedeng itake-over ng government ‘yung iyong facility to make sure that the service continues despite the emergency,” ani Perete. —sa panayam ng Balitang Todong Lakas