Nabawasan na ang bilang ng mga barangay opisyal na nasa listahan ng mga sangkot sa iligal sa droga.
Ayon kay PDEA Director General Aaron Aquino, batay sa listahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ng mga barangay officials na nasa narco list, mula sa dating 289 ay bumaba na ito sa 207.
Paliwanag ni Aquino dahil ito sa patuloy na pagpapaigting ng pamahalaan sa kampanya kontra iligal na droga.
“Puspusan naman ang kampanya natin laban sa iligal na droga so marami nang naaresto, marami nang napakulong, yung ibang brgy officials namatay din, so 207 nalang ang naiiwan out of 289.”
Ngunit aminado si Aquino na marami pa ring mga opisyal ng barangay ang gumagamit o nangunguna pa sa pagtutulak ng iligal na droga sa kanilang lugar.
Bukod dito hindi rin ina-activate ng ilang barangay ang kanilang BADAC o Barangay Anti-Drug Abuse Council dahil sa kanya-kanyang dahilan.
“Yung iba siguro talaga ay yung involvement ng brgy captain sa iligal na droga. Pangalawa, siguro nasa setting ng kanilang barangay. Yung mga ibang barangay kasi parang ano yung mga area so hindi sila makapag organize ng maayos tapos yung iba naman nao-organize yung BADAC pero non-functional.”
Sinabi din ni Aquino na mayroon pang hawak ang PDEA na sariling watchlist ng mga opisyal ng barangay na sangkot sa iligal na droga.
“Sa PDEA list, ang tawag namin doon ay NDIS o National Drug Information System, meron tayong 274 na brgy officials na nai-involve din sa iligal drugs so ang total nito, ay about 563.”