Naghain ng reklamo sa Ombudsman ang grupong Pinoy Aksyon laban sa mga opisyal ng Barangay Muzon sa San Jose Del Monte City sa Bulacan.
Ito’y kaugnay sa paglabag umano ng mga ito sa anti-graft and corrupt practices act gayundin sa probisyon ng Republic Act 11469 o Bayanihan to Heal as One law dahil sa maanomalyang pamamahagi ng social amelioration program (SAP).
Kabilang sa mga inireklamo ng grupo sina Brgy. Muzon Chairman Marciano Gatchalian, gayundin ang mga kagawad na sina Dionisio Aue, Edgar Celis, Angelito Sarmiento, Elizabeth Valerio, Erick Ignacio, Rustico Gatchalian at Nomeriano Gojo Cruz.
Batay sa tatlong pahinang reklamong inihain ng Pinoy Aksyon sa tanodbayan, hindi sinunod ng mga inirereklamong opisyal ang protocols ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pamamahagi ng SAP forms.
Maliban dito, aabot sa 70 residente ng Marigold Village ang hindi umano nakatanggap ng ayudang pinansyal kahit pa pumirma ito para sa ikalawang tranche ng SAP.
Una nang dumulog ang mga apektadong residente kay San Jose Del Monte City Mayor Arthur Robes para imbestigahan ang insidente dahil sa pagkawala ng pondo para sa mga taga-Marigold Village.
Maliban dito, hiniling din ng grupo sa kanilang reklamo sa Ombudsman na isailalim sa lifestyle check si Brgy. Chairman Gatchalian dahil sa hindi nito pagdedeklara ng tama sa kaniyang mga ari-arian.