Pinangalanan na ni Customs Broker Mark Taguba ang mga opisyal ng BOC o Bureau of Customs na tumanggap ng suhol mula sa kanya.
Ito ay sa pagpapatuloy na imbestigasyon ng House Committee on Dangerous Drugs hinggil sa P6.4-M halaga ng shabu na naipuslit sa Pilipinas mula sa bansang China.
Kabilang sa mga tinukoy ni Taguba na tumanggap ng suhol ay sina:
- Customs Deputy Commissioner Teddy Raval
- Atty. Vincent Philip Maronilla (District Collector ng Manila International Port)
- Niel Estrella (Direktor ng Customs Intelligence)
- Import Assessment Services Director Milo Maestrecampo
- Intelligence Officer Teodoro Sagaral
Sa kabuuan, nasa P26,000.00 ang halaga ng tinatawag na tara para ani Tagubang ay makapasok ang shipment.
Sinabi ni Taguba na iba’t ibang tao ang nangongolekta ng lagay sa kanya sa iba’t iba ring lugar.
Dahil sa pagbubunyag nito, tiniyak naman ni House Committee on Dangerous Drugs Chair Ace Barbers ang seguridad ni Taguba.
Akusasyon vs mga pinangalanang opisyal ng Customs mariing pinabulaanan
Pinabulaanan ng mga pinangalanang opsiyal ng Bureau of Customs ang akusasyon ng broker na si Mark Taguba na tumanggap umano ng suhol ang mga ito para sa pagpapalusot ng mga kontrabando sa ahensya.
Ayon kay Customs Deputy Commissioner Teddy Raval, hindi niya kilala si Taguba.
Dumipensa naman si Import Assessment Services Director Milo Maestrecampo at iginiit na hindi niya kilala ang Tita Nani na nakapangalan sa kanyang yunit.
Samantala, handa namang humarap sa anumang imbestigasyon si CIIS – MICP Intelligence Officer Teodoro Sagaral.