Binatikos ng grupo ng mga magsasaka sa Central Luzon ang mga opisyal ng Department of Agriculture (DA) dahil sa nabunyag na P1.8-B overpriced na fertilizer contract sa gitna ng nararanasan na coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Sa kalatas, sinabi ni William Laureta, magsasaka mula Tarlac at Ernesto Agustin ng Nueva Ecija, na ang overpriced contract sa pagbili ng abono ay bahagi ng stimulus program ng alpas sa COVID-19 o “DA ahon lahat, pagkaing sapat kontra COVID-19” upang matulungan dapat ang mga magsasaka.
Mistulang niloko anila ng DA ang mga magsasaka na higit na nangangailangan ng tulong mula sa pamahalaan.
Nabatid na nagsagawa ng bidding ang agriculture department, para sa pagbili ng 1,811,090 bags ng urea fertilizers sa halagang P1.8-B o P1,000 kada bag.
Gayunman, ang prevailing average retail price sa merkado ng urea fertilizer ay nasa P850 kada bag lamang. Nangangahulugan na overpriced ang kontrata ng P271.66-M.
Kung tutuusin, nasa posisyon anila ang kagawaran na makipagnegosasyon sa mas mababa pang supply contract, dahil bibilhin naman ang fertilizers ng bulto.
Dahil dito, nanawagan ang mga magsasaka kay Pangulong Duterte na panagutin ang mga tiwaling opisyal ng DA na nasa likod ng overpriced fertilizer contract.