Agad nasabon at nasita ng mga senador ang Department of Agriculture (DA) dahil sa pagpayag mag-import ng tinatawag na small pelagic fishes, gaya ng galunggong.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Agriculture, kinuwestyon ni Senator Imee Marcos kung bakit isinantabi ng DA ang rekomendasyon ng National Fisheries and Aquatic Resources Management Council (NFARMC) na huwag mag-import dahil sapat pa ang supply.
Tugon ni DA Undersecretary for Agri-Industrialization and for Fisheries Cheryl Marie Natividad-Caballero na siya ay nakalagda sa rekomendasyon na huwag mag-angkat ng isda.
Paliwanag naman ni BFAR Director Eduardo Gongona, kailangang mag-import base sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Kinuwestyun din ni Sen. Cynnthia Villar kung bakit hindi pinakinggan ng BFAR ang rekomendasyon ng NFARMC na huwag mag-angkat ng isda.
Ikinatwiran ni Gongona na pinakinggan naman nila ang NFARMC pero ang pinaniniwalaan nila ay ang datos ng PSA na nagpapakita na may kakulangan na 119,000 metric tons ng isda subalit meron pang ibinawas dito ang 23.6 metric tons na nasa sa cold storage.
Iginiit ni Villar na kung ang idinadahilan ng BFAR ang pananalasa ng bagyong Odette, sa halip na importasyon ay mamigay na lamang dapat ng gamit sa mga mangingisda para makapangisda dahil hindi naman nawala ang mga isda. —sa ulat ni Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)