Hindi na maaaring maglabas ng mga produkto ang mga opisyal ng Department of Tourism o DOT mula sa Duty Free Philippines.
Ito ang inihayag ni Tourism Secretary Bernadette Puyat matapos umano niyang ipatanggal ang naturang prebilihiyo ng mga opisyal ng ahensya.
Ayon kay Puyat, hindi porke’t ang Duty Free ay ahensya na nasa ilalim ng pangangasiwa ng DOT ay dapat nang ikatuwa ng mga nanunungkulan sa ahensya ang pagkakaroon ng VIP treatment dito.
Nabatid na 50% ng taunang kita ng Duty Free ay awtomatikong napupunta sa Office of the Secretary kung saan maaaring magamit para pondohan ang mga tourism programs at projects.
Magugunitang, inihayag ng Commission on Audit o COA ang pagkuha umano ng 2.52 million pesos na halaga ng produkto mula sa Duty Free stores sa ilalim ng pamumuno ni Dating Tourism Secretary Wanda Tulfo-Teo.
—-