Nagbanta si House Committee on Justice Chairman Reynaldo Umali na ipapa-cite in contempt ang mga opisyal ng Judicial and Bar Council (JBC).
Kasunod ito ng pagtanggi ng JBC na magsumite ng kopya ng resulta ng psychological at psychiatric test ni Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Kamara sa impeachment complaint laban kay Sereno, iginiit ni JBC Member Atty. Maria Milagros Fernan-Cayosa na highly confidential ang mga nasabing dokumento kaya hindi nila ito maaaring ibigay at isapubliko.
Dagdag ni Cayosa, ginagamit lamang aniya ito para sa evaluation process ng JBC sa pagpili ng mga aplikante sa isang posisyon sa judiciary at agad na ibinabalik sa kustodiya ng kanilang psychologists.
Sinabi naman ni Congressman Umali na hindi parte ng doctor-patient confidentiality ang resulta ng psychiatric test ni Sereno.
Iginiit naman ni Deputy Speaker Gwen Garcia na hindi sakop ng rules ng JBC hinggil sa confidentiality ng psychological test si Sereno dahil nag-apply ito bilang chief justice noong 2012 habang inamyendahan ang nasabing rule noong 2016.
Krista de Dios/ Jill Resontoc /RPE