Nakatakdang humarap ngayong araw sa pagdinig ng House Committee on Justice ang tatlong mahistrado at ilang opisyal ng Korte Suprema sa pagpapatuloy ng deliberasyon hinggil sa impeachment laban kay Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Ito’y makaraang pumayag ang Supreme Court en banc na dumalo sina Associate Justices Teresita Leonardo de Castro, Noel Tijam at Francis Jardeleza gayundin sina Court Administrator Jose Midas Marquez, Clerk of Court Atty. Felipa Anama at tagapagsalita ng SC na si Atty. Theodore Te.
Gayunman, nilinaw ni Atty. Te na tanging si De Castro lamang aniya ang maaaring tumestigo at humarap sa pagdinig hinggil sa adjudicative matters na limitado lamang sa tatlong bahagi habang ang iba naman ay pawang administrative matters lamang ang maaaring sagutin sa pagdinig.
Kasunod nito, itinuturing naman ng House Committee on Justice na malaking pasabog ang mga ihahayag ni Supreme Court Associate Justice Teresita Leonardo de Castro.
Ayon kay Justice Committee Chairman at Mindoro Rep. Reynaldo Umali, kanilang susulitin ang pagkakataon para mahimay ang mga alegasyong ibinabato laban sa punong mahistrado.
—-