Nahaharap sa kasong katiwalian ang mga opisyal ng LTO o Land Transportation Office dahil sa ‘di umano’y kwestionableng kontrata sa driver’s license na nagkakahalaga ng walong daan at tatlumpung milyong piso (P830-M).
Sa inihaing reklamo ng ATMP o Anti-Trapo Movement of the Philippines, hindi anila nasunod ang tamang proseso sa bidding na napanalunan ng DERMALOG Identification System, ang pangatlong highest bidder.
Ayon kay ATMP Chairperson Leon Peralta, lugi ang pamahalaan sa kontratang pinasok ng LTO sa DERMALOG dahil mataas ito ng pitumput syam na milyong piso (P79-M) kumpara sa 750 million bid ng Banner Plasticard Inc.
Maliban dito, sinabi ni Peralta na wala ring security features ang driver’s license na mula sa DERMALOG.
Kabilang sa mga kinasuhan ay sina LTO Chief Edgar Galvante, Executive Director Romeo Vera Cruz, Dennis Singzon, Maribel Salazar, Irenea Nueva , Rector Antiga, Francis Almora, Mercy Jane Leynes, Norberto Espino, Camilo Balon, Leda Jose, Paquita Dela Cruz at Danilo Encela.
By Len Aguirre