Muling nakatikim ng sermon ang mga opisyal ng National Food Authority (NFA) partikular si Administrator Jayson Aquino mula sa mga senador.
Ito ay matapos na maungkat muli sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senado ang kabiguan ng NFA na gampanan ang kanilang mandato na mag-imbak ng bigas para sa labing limang araw o ang 15 days buffer stock.
Ayon kay Senadora Cynthia Villar, Chairman ng Senate Committee on Agriculture and Food, hindi talaga makapag-iimbak ang NFA kung patuloy itong hindi bibili ng palay mula sa mga lokal na magsasaka dahil nais lamang ng ahensiya na mag-import.
Hindi naman tinanggap ni Villar ang katwiran ni Administrator Aquino na hindi sila makabili ng bigas mula sa mga lokal na magsasaka dahil 17 pesos lamang ang presyong puwede nilang bilhin na mababa sa alok ng mga commercial rice traders.
Iginiit ni Villar, hindi talaga makabibili ng bigas ang NFA kung hindi naghahanap ng bibilhan ang NFA.
Dapat aniyang lumabas ng kanilang tanggapan ang mga taga-NFA at magpunta sa mga probinsya kung saan may aning palay ang mga magsasaka.
—-