Dapat umanong masibak sa puwesto ang mga opisyal ng National Telecommunications Commission (NTC) na nagpatigil ng operasyon ng ABS-CBN.
Ito’y ayon kay Senate Minority Leader Franklin Drilon dahil aniya sa kawalan ng mga ito ng kakayahan para aksyunan ng tama ang isyung hinaharap ng media network.
Partikular na tinukoy ni Drilon sina NTC commissioner Gamaliel Cordoba, Deputy Commissioners Delilah Deles, at Edgardo Cabarios.
Ang mga opisyal aniyang ito ang lumagda sa inilabas na cease and desist order laban sa ABS-CBN sa kabila ng naunang ipinangako ng mga ito at ng iba pang mambabatas na makakapagpatuloy pa rin ng operasyon ang ABS-CBN hanggang June 2022 habang dinidinig pa ng Kamara ang franchise renewal bid nito.
Ngunit sa nangyari umano ngayon tila hindi nagkaroon ng isang salita ang naturang mga opisyal.
Giit ni Drilon, dapat sa mga ito ay matanggal sa pwesto dahil sa maling desisyon at idinulot na purwisyo di lamang sa media network kundi maging sa mga taong sumusubaybay sa ABS-CBN lalo na para sa mga impormasyon na kaugnay ng COVID-19, gayundin ang pagkakalagay sa alanganin ng nasa 11,000 empleyado nito.