Blangko ang mga opisyal ng Malakanyang kung ano ang magiging pasya ni Pangulong Rodrogo Duterte sa rekomendasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Department of National Defense (DND) kaugnay sa martial law sa Mindanao.
Sinabi ni Presidential Communications Secretary Martin Andanar na nasa prerogative ng Pangulo kung palalawigin ba o hindi ang batas militar sa Mindanao.
Idinagdag pa ni Andanar na walang nababanggit ang Pangulo ukol dito kaya’t hintayin na lamang ang magiging anunsyo ng Pangulo.
Una nang sinabi ng Presidente na nakasasalalay sa magiging rekomendasyon ni Defense Secretary Delfin Lorenzana kung magkakaroon ng martial law extension.
UNDP at JICA magbibigay ayuda sa Marawi
Magkakaloob ng ayuda ang UNDP o United National Development Program at JICA o Japan International Cooperation Agency para sa rehabilitasyon sa Marawi City.
Ayon kay Assemblyman Zia Alonto Adiong, tagapagsalita ng Lanao del Sur Provincial Disaster Management Committee, mayroon nang koordinasyon at technical support ang dalawang nabanggit na international agencies sa lokal na pamahalaan ng Marawi.
Sinabi pa ni Adiong na hindi lang ang mga dayuhan ang handang tumulong sa Marawi kundi maging ang ilang local architectural firms.
Mahalaga aniya na maganda ang city zoning para sa topography at terrain ng Marawi.
- Meann Tanbio | Story from Aileen Taliping