Kamakailan lang, inilatag ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang ideya ng Mindanao secession. Tumutukoy ang secession sa desisyon ng isang estado na bumukod mula sa pamahalaan.
Agad naman itong kinontra ng ilang opisyal ng pamahalaan, kabilang na ang chief minister ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na si Ahod Ebrahim na nagpahayag ng suporta kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at sa kampanya nitong Bagong Pilipinas.
Ayon kay Minister Ebrahim, dapat protektahan ang proseso sa kapayapaan at patuloy na suportahan ang administrasyon ni Pangulong Marcos kasabay sa pagsusulong ng peace at civility sa bansa.
Sa isang mensahe, sinabi ng opisyal ng Bangsamoro Transition Authority (BTA) na si Atty. Suharto Ambolodto na naniniwala siyang posibleng makamit ang kapayapaan at kasaganaan sa ilalim ng Bagong Pilipinas sa pamamagitan ng pagkakaisa at katatagan.
Sa Senado naman, sinabi ni Senate President Juan Miguel Zubiri na ang pinakahuling kailangan ng bansa ay hatiin ito. Aniya, dapat mas pagtuunan ng pansin ang kapakanan ng publiko.
Tutol din si Senate Minority Leader Koko Pimentel sa apela na paghiwalayin ang anumang bahagi ng teritoryo ng Pilipinas.
Maging ang national security officials, kontra sa iminungkahi ng dating Pangulo.
Ayon kay Defense Sec. Gilbert Teodoro Jr., mandato ng Department of National Defense (DND) na tiyakin ang seguridad ng soberanya ng bansa at ang integridad ng teritoryo na naaayon sa Konstitusyon. Mahigpit umano itong ipatutupad ng ahensya.
Hindi naman magdadalawang-isip ang pamahalaan na gamitin ang awtoridad nito upang pigilan ang anumang pagtatangkang paghiwalayin ang Republika ayon kay National Security Adviser Eduardo Año.
Para kay Pangulong Marcos, walang puwang ang paninira at paghahatakan pababa sa Bagong Pilipinas dahil mas kailangang unahin ang bansa. Kaya naman sa halip na pagkakawatak-watak, pagkakaisa ang patuloy na isinusulong nito.