Hinimok ni Senadora Imee Marcos ang pamahalaan na isailalim sa preventive suspensiyon ang mga opisyal ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Ito ay sa gitna ng mga isinasagawang imbestigasyon sa PhilHealth kasunod ng mga alegasyon ng kurapsyon dito.
Ayon kay Marcos, dapat tigilan na ang mga isinasagawang pagdinig sa PhilHealth at sa halip ay agad na isuspinde ang mga opisyal nito.
Malinaw naman aniyang walang delicadeza ang mga opisyal ng PhilHealth na hindi magawang mag-resign o magleave of absence para sa masusing imbestigasyon sa isyu.
Iginiit pa ni Marcos, dapat ding kumilos agad ang Commission on Audit, Task Force PhilHealth at Department of Budget and Management (DBM) para makumpiska ang ilang mga mahahalagang dokumento sa ahensiya.
Dagdag ng Senador, nararapat ding isama sa pagsisiyasat ang Department of Health (DOH) at Secretary Francisco Duque III.