Hinimok ng mga opisyal ng simbahan ang mga mambabatas na linawin ang mga probisyong nakapaloob sa anti-terrorism bill.
Ito’y sa gitna ng nagpapatuloy na protesta at pagtutol sa naturang panukalang batas habang iniintay ang lagda ni Pangulong Rodrigo Duterte bago ito maging tuluyang ganap na batas.
Ayon kay Catholic Bishops Conference of the Philippines Father Jerome Secillano, may magandang layunin ang naturang panukala ngunit kailangan pa rin ng paglilinaw sa ilang kwestiyonableng probisyon para maiwasan ang pang-aabuso sa hinaharap.
Giit pa ni Secillano, mahalagang malinaw sa lahat ang panukalang batas nang sa ganoon ay kahit pa maisalin ito sa mga susunod na administrasyon o gobyerno ay hindi mabibigyan ng iba pang kahulugan ang pag-iral nito.
Kasabay nito, hinikayat ni Archdiocese of Manila Apostolic Adminstrator Bishop Broderick Pabillo ang publiko na mag-demand sa kanilang mga representate ng paliwanag kung bakit sila bumoto ng pabor sa naturang panukala.