Hinimok ni Senate President Koko Pimentel ang Department of Interior and Local Government (DILG) na agad aksyunan ang sinasabi nitong mga incumbent congressmen, governor at mayor na sangkot sa vote buying.
Ayon kay Pimentel, hindi na kailangan pang manghimasok at imbestigahan ng kongreso ang isyu.
Sa halip aniya ay dapat na agad sampahan ng kaso ng DILG ang mga tinukoy nitong mga opisyal na sangkot sa vote buying alinsunod na rin sa hawak nilang ebidensiya.
Magugunitang sinabi ni DILG Undersecretary Martin Diño na meron silang natanggap na impormasyon at reklamo ng halos 100 mga kongresista at mahigit 1,000 mga gobernador at alkaldeng sangkot sa vote buying sa Barangay at SK elections.
Bukod dito meron din aniyang mga nasangkot sa panghaharass sa mga botante para suportahan ang kanilang mga pinapaborang Barangay at SK election candidates.