Pinaalalahanan ng Department of Health (DOH) ang mga ospital at laboratoryo sa tamang pagtatapon ng medical wastes.
Ito ang inihayag ng DOH matapos ang ulat na pitong bata ang nahawa ng COVID-19 matapos umanong paglaruan ang mga heringgilya mula sa medical wastes ng isang diagnostic center sa Catanduanes.
Ayon kay DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire, may mga batas na sumasaklaw sa ganitong violations at polisiya kaya’t hindi dapat magpabaya ang mga ospital at laboratoryo sa kanilang basura.
Tiniyak naman ni Vergeire na hindi nila kukunsintihin ang iresponsableng gawain ng mga medical facility.
Una nang ibinabala ng World Health Organization na maaaring maging health hazard ang tone-toneladang medical waste mula sa COVID-19 response kung hindi aayusin ang health care waste management ng mga bansa.