Nasa anim nang ospital ang nabigyan na ng compassionate special permit (CSP) para sa paggamit ng anti-parasitic drug na Ivermectin para sa mga pasyenteng may coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay Food and Drug Administration (FDA) Dir. Gen. Eric Domingo, pribadong ospital ang mga nabigyan ng CSP ngunit hindi na niya ito napangalanan pa.
Paliwanag ni Domingo, hindi nila maihahayag ang pangalan ng naturang mga ospital dahil hindi nila aniya nais na labagin ang privacy ng mga pasyente nito, ngunit may kalayaan naman umano ang mga ospital na ito na sila mismo ang maghayag sa kanilang sarili na nabigyan ng CSP.
Gayunman, ibig sabihin aniya nito, ang mga doktor sa mga ospital na may CSP ay maaaring magbigay ng reseta para sa paggamit ng Ivermectin bilang gamot sa COVID-19.
Ngunit paglilinaw ni Domingo, hindi pa rin maaaring ibenta ang Ivermectin, commercially.