Naghahanda na ang mga ospital sa posibilidad ng pagpasok ng Omicron variant ng COVID-19 sa bansa.
Kabilang sa mga naglalatag na ng preparasyon ang san lazaro hospital sa Santa Cruz, Maynila.
Kinumpirma ni Dr. Rontgene Solante, Head ng Adult Infectious Diseases and Tropical Medicine Unit ng San Lazaro na kanila nang iniimbentaryo ang mga personal protective equipment at mga gamot.
Ayon kay Solante, sa kasalukuyan ay sapat pa ang kanilang mga anti-viral drugs, tulad ng Remdesivir at Tocilizumab.
Dahil anya sa patuloy na pagbaba ng COVID-19 cases ay nagkaroon sila ng sapat na panahon upang mas makapaghanda sa posibleng panibagong surge ng naturang sakit.
Samantala, bagaman handa na rin ang Private Hospitals Association of the Philippines sakaling dumating ang bagong variant, aminado silang ang kakulangan sa mga health workers ang kanilang pino-problema.—sa panulat ni Drew Nacino