Nakikipag-ugnayan na ang Manila Police District o MPD sa mga ospital sa lungsod ng Maynila.
Ito’y para ihanda ang mga gagawing pagresponde sa sandaling may masugatan o maaksidente sa gagawing traslacion ng Itim na Nazareno sa Maynila bukas.
Ayon kay MPD Spokesperson Supt. Marissa Bruno, nakaalerto na ang mga ospital sa lungsod tulad ng Manila Doctors Hospital, Medical Center Manila, Philippine General Hospital, Ospital ng Maynila, San Lazaro Hospital at Andres Bonifacio Hospital.
Maliban dito, sinabi ni Bruno na mayroong 48 medical stations at 65 naka-standby na ambulansya na nakakalat sa halos 7 kilometrong ruta ng prusisyon.
Karaniwan aniyang nagiging dahilan ng pagkakasugod sa ospital ng mga deboto ay iyong mga natapakan o nakatapak ng bubog at pagkahilo bunsod ng 15 oras o higit pang pagkababad sa prusisyon.
Samantala, muling pinayuhan ng Department of Health (DOH) ang mga buntis lalo ang mga malapit ng manganak na iwasan na ang paglahok sa taunang traslacion sa pista ng Itim na Nazareno sa Maynila.
Ayon kay Health Secretary Janette Garin, magiging mahirap para sa mga buntis na manganak sa mga sitwasyong tulad ng traslacion na dinaragsa ng milyun-milyong deboto tuwing Enero 9.
Dapat manatili na lamang aniya sa mga bahay ang mga nagdadalantao at i-monitor ang sitwasyon sa kapistahan sa pamamagitan ng pakikinig ng radyo o panonood ng telebisyon.
600 street sweepers
Kaugnay nito, ipapakalat ang higit 600 mga street sweeper upang mapanatiling malinis at maayos ang mga daraanan ng traslacion ng Poong Nazareno.
Ayon kay Manila Mayor Joseph Estrada, kailangan ay masiguradong walang magiging sagabal sa mga kalsada na posibleng maging abala at ikapahamak ng mga deboto.
Isa pang grupo ng mga street sweeper ang nakaabang naman sa dulo ng magiging prusisyon upang agad ding malinis ang mga maiiwanang basura.
Samantala, higit sa 300 mga portalets naman ang ipinakalat sa iba’t ibang bahagi ng dadaanan ng prusisyon.
By Jaymark Dagala | Jonathan Andal | Rianne Briones | Drew Nacino