Naka-full alert ang mga otoridad matapos mapaulat na may namataan na mga armadong kalalakihan sa barangay Inayawan sa Cauayan, Negros Occidental
Ayon kay 1st Lt. John Tumamao, commander ng Bravo Company ng 79th Infantry Battalion, bineberipika pa nila ang naturang ulat dahil magkaka-ibang istorya ang naririnig ng mga sundalo mula sa mga residente.
Ilan aniyang residente ang nakakitang tumawid ang armadong grupo sa isang ilog sa Sitio Capaclan, habang ang iba ay hindi nakatitiyak kung may bitbit na mga armas ang mga nasabing lalaki.
Idinagdag pa ni Tumamao na posibleng nagmula sa New People’s Army ang mga putok ng baril na narinig sa barangay Inayawan lalo’t mayroon umanong malaking bilang ng mga rebelde sa lalawigan.
Gayunman, mas ikinabahala ng mga residente ang isang puting pump boat na namataan malapit sa baybayin ng inayawan na hinihinalang sinakyan ng mga armadong lalaki.
By: Meann Tanbio