Tinatayang 30 air-conditioned Point-to-Point buses ang idedeploy sa ilang istasyon ng Metro Rail Transit-3 kapag rush hour upang magkaroon ng pagpipilian ang mga commuter na makararanas ng aberya bilang bahagi ng “Alalay sa MRT-3.”
Ayon kay Transportation Undersecretary for Rails Cesar Chavez, simula ala 6:00 hanggang alas 9:00 ng umaga idedeploy ang nasa 20 P2P bus sa North Avenue station sa EDSA.
E-eskortehan anya ang mga bus ng mga enforcer mula sa Land Transportation Office o PNP-Highway Patrol Group habang sisingilin ang mga mananakay ng pasaheng kahalintulad sa MRT-3.
Nilinaw naman ni Chavez mayroon lamang dalawang stop ang southbound buses, ang Ortigas Station kung saan 20 pesos ang pasahe at Ayala avenue na 24 pesos ang pasahe mula North Avenue.
Kapag rush hour naman ng hapon o simula ala 5:00 hanggang alas 8:00 ng gabi, nasa 20 bus din ang maghihintay sa mga pasahero sa Taft avenue station habang 10 ang idedeploy sa Ayala Avenue Station upang maghatid naman patungong North Avenue Station.
Samantala, isang dry run ang isasagawa ngayong araw sa tulong ng apat na bus ng M.M.D.A. upang masubukan kung magiging epektibo ang bagong sistema.