Aminado si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na matagal nang problema ang paggamit ng mga paaralan bilang evacuation centers, na nakahahadlang sa pangunahing layunin ng mga ito na magtaguyod ng pagkatuto at creativity.
Ginawa ni Pangulong Marcos ang pahayag matapos lagdaan ang ligtas Pinoy Centers Act at Student Loan Payment Moratorium During Disasters and Emergencies Act sa Malakanyang.
Tiniyak naman ng Presidente sa Department of Education na ang mga paaralan ay magiging sentro na lamang ng pagpapabuti sa kapakanan ng mga mag-aaral.
Kasabay nito, ipinag-utos ni PBBM sa Department of Public Works and Highways (DPWH) ang agarang pagtatayo ng mga evacuation center sa mga prayoridad na Local Government Units (lgus), alinsunod sa minimum standards, national building code, at iba pang lokal na pangangailangan.
Inatasan din ang Commission on Higher Education (CHED) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na magbigay ng lahat ng uri ng tulong sa mga estudyante upang matiyak na ang kanilang mga suliraning pinansyal ay hindi magiging hadlang sa pagtatapos ng kanilang edukasyon.
Samantala, pinasalamatan din ni Pangulong Marcos ang mga mambabatas na aniya’y nasa likod ng dalawang bagong batas, at sinabing ito ay patunay ng kanilang pangakong unahin ang kapakanan ng taumbayan.