Binalaan ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang mga barangay captains na magpapabaya sa pagpapatupad ng mga panuntunan sa enhanced community quarantine.
Sinita ni DILG Undersecretary Jonathan Malaya ang mga barangay captains na mas marami pang oras sa social media kesa asikasuhin ang kanilang constituents na wala nang makain.
Hindi anya sila mangingiming kasuhan ang mga pabayang barangay captains sa sandaling matapos ang kinakaharap na krisis ng bansa.
Sa ngayon anya ay dapat kasado na ang mga food packs para sa mga barangay lalo na sa mga lugar kung saan marami ang mahihirap.
Batay sa panuntunang inilatag ng DILG, gagamitin ng LGU’s ang kanilang quick response fund para sa pagkain ng mga mahihirap nilang constituents sa unang linggo ng lockdown.
Samantala, sisimulan naman ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pamamahagi ng food provisions simula sa susunod na linggo.