Ang mga pabigat o pasaning assets at properties ng gobyerno ang mga dapat ibenta.
Ayon ito kay Senador Panfilo Lacson bilang tugon sa pahayag ng Pangulong Rodrigo Duterte na handa ang gobyerno na magbenta ng mga ari-arian para mapondohan ang gastusin sa pagtugon sa pandemya.
Sinabi ni Lacson na makabubuting piliing mabuti kung anong asset ang maaaring maibenta na.
Marami aniyang real estate at assets sa ilalim ng government owned and controlled corporations ang taun-taon ay tumantanggap ng subsidy sa national government dahil kung hindi na mismanage ay ginawa itong gatasan ng mga tiwaling opisyal nito.
Isinusulong ni Lacson ang agarang pagsasagawa ng audit at pag-imbentaryo sa lahat ng assets para mabatid kung alin ang kumikita sa nalulugi o nagiging pabigat pa sa gobyerno na siyang dapat na ibenta samantalang ang mga performing assets at nakakapagremit ng revenues sa gobyerno ay dapat lamang panatilihin.
Una nang inihayag ng Pangulong Duterte na umaabot na sa P1-trilyon ang nagastos ng gobyerno sa pagtugon sa pandemya kaya’t handa silang magbenta ng ari-arian para patuloy na mapondohan ang mga gastusin may kaugnayan sa pandemya.