Imbestigasyon ang iginigiit ngayon ni Labor Secretary Silvestre Bello III kaugnay sa serye ng mga pag-atake ng New People’s Army (NPA) at pagkakaroon ng engkwentro sa militar sa kabila ng umiiral na unilateral ceasefire.
Sa panayam ng Karambola, sinabi ni Bello na mahalagang malaman ang katotohanan sa likod ng mga sinasabing paglabag sa panig man ng militar o miyembro ng komunistang grupo.
“Noong nakaraang peace talks sa Roma nagbigay sa akin ng listahan ang NDF ng mga violation ng ating puwersa, ngayon naman may reports din tayo ng violations ng NDF, ng NPA, kaya gusto kong gawin ay imbestigahan muna kung totoo ang mga complaints na ito at kung totoo man, sino ang may kagagawan.”
Isa sa mga naitalang insidente ay ang pag-atake ng mga miyembro ng NPA sa Pico de Loro resort sa Barangay Payapa, Nasugbu Batangas noong Enero 29 2017, at mga umano’y pagsusunog at pangingikil ng mga rebelde sa iba’t ibang panig ng bansa.
Hindi rin isinasantabi ni Bello ang posibilidad na mayroong gustong sumabotahe sa usapang-pangkapayapaan.
“May mga taong nakikinabang sa kaguluhan eh, yan ang malungkot na reyalidad.”
Dahil dito, binigyang diin ni Bello na mahalaga nang maisulong ang bilateral ceasefire upang mas malinaw ang mga kundisyong dapat ipatupad.
“Isinusulong ko at kinakausap ang kabilang panel na sana itong unilateral ceasefire ay i-upgrade na natin, gawin na nating bilateral ceasefire, para magkaroon ng definition, ng parameters. Mapag-uusapan kung sino ang mag-re-referee kung may violations. Napag-usapan na ito sa Rome eh, kapag nagkaroon sila ng consensus sa definition of terms then we can probably sign the bilateral ceasefire agreement.” Pahayag ni Bello
Related Article (READ): NPA terminates unilateral ceasefire
By Aiza Rendon | Karambola (Interview)