Tinatayang aabot sa 3,400 pulis ang ipakakalat ng NCRPO o National Capital Region Police Office sa buong Metro Manila bilang paggunita sa Undas o All Saints Day sa susunod na linggo.
Ayon kay NCRPO Chief Police Director Guillermo Eleazar, nagbigay na siya ng direktiba sa lahat ng mga district directors na paigtingin pa ang police visibility gayundin ang ginagawa nilang operasyon upang tiyakin ang kaligtasan ng publiko.
Kasunod nito, nagtatag sila ng joint multi-agency cooperation and support mechanism partikular na sa AFP o Armed Forces of the Philippines, MMDA o Metro Manila Development Authority, LGUs o Local Government Units at volunteer groups para maging force multipliers.
Partikular na tututukan ng mga ito ang pagbibigay ayuda sa publiko lalo na sa mga bibiyahe pauwi sa kanilang mga lalawigan gayundin ang pagbabantay sa mga istratehikong lugar tulad ng sementeryo, simbahan, mga terminal, paliparan at pantalan.