Para sa mga madalas makaranas ng constipation o yung hindi makadumi, narito ang mga pagkain para lumambot ang inyong dumi.
- Berdeng gulay tulad ng Kangkong, Spinach, Pechay, Malunggay at Talbos ng Kamote. Mataas ang gulay sa fiber na makatutulong sa pagiging regular ng pagdumi.
- Okra – sa mga gulay, kakaiba ang epekto ng Okra para mapalambot ang dumi. Ang Okra ay may malapot na likido na nagpapadulas sa pagdaan ng dumi.
- Oatmeal – puwede kang kumain ng isang tasang Oatmeal sa umaga. May sangkap itong Beta-Glucan (isang soluble fiber) na nagtatanggal ng Cholesterol sa ating katawan at makatutulong din sa pagdumi.
- Yogurt – ang Yogurt ay may taglay na mabuting Bacteria na may benepisyo sa ating tiyan at bituka.
- Tubig – napakahalaga ang pag-inom ng sapat na tubig para sa mga nagtitibi. Ang mga pagkaing mataas sa Fiber, tulad ng gulay, prutas at Oatmeal, ay kailangang humalo muna sa tubig para maging malambot ang dumi.
Subukang uminom ng 8 hanggang 10 basong tubig o likido sa maghapon. Kapag kulang ka sa tubig, siguradong titigas ang iyong dumi.