Babantayan ng environmental groups ang mga gagawing pagkilos ng bagong talagang kalihim ng Department of Environment and Natural Resources o DENR na si retired General Roy Cimatu.
Ayon kay Abi Aguilar ng Greepeace, ikinagulat ng kanilang grupo ang bilis ng pagkakatalaga ng Pangulong Rodrigo Duterte kay Cimatu bilang kapalit ni dating Secretary Gina Lopez.
Bagamat hindi naman anya sila direktang kumokontra sa pagkakatalaga kay Cimatu, isang malaking kuwestyon para sa kanila ang kawalan nito ng track record pagdating sa pangangalaga sa kalikasan.
“Yan po ang hindi namin sigurado tungkol sa kanya, kung paano niya itatrato yung mga mining companies, anong gagawin niya sa mga naging desisyon ni Secretary Gina Lopez dati, ito ba ay kanyang pananatilihin, itutuloy, babaguhin, all together? yan po ang aming kailangan na bantayan, patuloy din naming ipapahayag na willing naman kaming makipag-trabaho.” Ani Aguilar
Kasabay nito, sinabi Aguilar na bukas ang Greenpeace na suportahan ang mga panukalang hilingin sa Pangulong Duterte na italaga na lamang bilang Undersecretary ng DENR si Lopez.
“Maganda po yan kasi si Gina Lopez ay alam naming very collaborative, for sure i-involve niya ang civil society groups pagdating sa mga trabaho ukol sa kalikasan.” Pahayag ni Aguilar
By Len Aguirre | Ratsada Balita (Interview)
*Malacañang Photo