Teleconference.
Ito ang gagawin ng Inter Agency Task Force on Emerging Infectious Disease (IATF-EID) sa kanilang mga pulong para makapag update sa usapin ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Kasunod na rin ito ng kani-kaniyang self quarantine ng ilang mambabatas at gabinete matapos makasalamuha si ACT-CIS Partylist Representative Eric Go Yap na una nang nagpositibo sa COVID-19.
March 21 nang magtungo si Yap, na chairman ng House Committee on Appropriations sa Malakaniyang, para dumalo sa meeting hinggil sa nasabing virus.
Sinabi ni Senador Bong Go na mabigat man sa kaniyang kalooban ay kailangan niyang sumailalim sa 14 days na self-quarantine para matiyak na hindi makukumpromiso ang kalusugan ng ibang tao.
Ayon naman kay Budget Secretary Wendel Avisado, sasailalim na rin siya sa self-quarantine matapos makasalamuha si Yap at tuloy pa rin ang kaniyang trabaho sa pamamagitan ng teleconferencing sa kaniyang mga tauhan.
Nag self-quarantine na rin sina Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rolando Bautista, Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año, at Presidential Adviser on the Peace Process Carlito Galvez na pawang nakasalamuha ni Yap sa Malakaniyang.
Maging si Cabinet Secretary Karlo Nograles na tumatayong spokesperson ng IATF ay nag self-quarantine na rin bilang aniya’y pag iingat bagamat hindi naman niya nakasalamuha ang kongresista.