Kinondena ng Human Rights Watch ang pahayag nina Presidential Spokesperson Harry Roque at Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano na posibleng ginagamit ng mga drug lords angilang human rights group para batikusin at siraan ang Duterte Administration.
Ayon kay HRW Asia Director Brad Adams, dapat bawiin nina Roque at Cayetano ang aniya’y nakagugulat, peligroso at nakakahiyang akusasyon ng mga ito na wala namang matibay na ebidensiya.
Dagdag ni Adams, ang magkaparehong pahayag ng dalawang kalihim ay tila pagnanais ng mga ito na bumuo ng isang death squad na tatarget sa mga human rights activists.
Magugunitang sinang-ayunan ni Roque ang naunang pahayag ni Cayetano na posibleng ginagamit ng mga drug lords ang mga human rights groups para siraan at patuloy na batikusin ang anti drug war campaign ng Duterte administration.
Sinabi pa ni Roque, madali lamang sa mga drug lords na gamitin ang kanilang mga pera para pondohan ang destabilisasyon laban sa pamahalaan.