Nanindigan ang Civil Aeronotics Board (CAB) na tuloy pa rin ang operasyon ng mga airport sa bansa sa harap pa rin ng banta ng new coronavirus (nCoV) na kumakalat ngayon mula sa Wuhan, China.
Ayon kay CAB Executive Director Carmelo Arcilla, may pinapipirmahan silang yellow card o health form sa mga biyahero upang mabatid kung may nakasalamuha silang may sakit mula sa kanilang pinanggalingan.
Binigyang diin ni Arcilla na nakabatay ang ipinatutupad nilang sistema sa mga pamantayan ng International Air Transport Association (IATA), World Health Organization at International Civil Aviation Organization.
Sa kasalukuyan, hindi na pinabibiyahe ang lahat ng mga eroplan mula Wuhan sa China na isinailalim sa lockdown matapos mapa-ulat ang pag-alis ng ilang mga residente nito at pinaniniwalaang nagtataglay ng bagong uri ng sakit.