Umapela si Senador Francis Tolentino sa Inter-Agency Task Force (IATF) na isama ang mga pambansang atleta sa A4 priority list ng mga dapat mabakunahan kontra coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ito’y dahil sa nalalapit na Tokyo Olympics at 2021 Southeast Asian (SEA) Games sa Vietnam.
Ayon kay Tolentino, maituturing rin ang mga manlalaro na essential workers dahil sila ang representative ng bansa sa iba’t ibang larangan ng sports sa ibang bansa.
Nasa 82 atletang Pilipino sa 19 na sports ang umaasang magiging kinatawan ng bansa sa olympics sa Japan.
Kailangan aniya mabakunahan sa madaling panahon ang mga atletang sasabak sa palakasan sa naturang bansa.
Umaasa si Tolentino na maging ang mga nasa Philippine Basketball Association ay maisama din sa A4 priority ng IATF.
Samantala, ipapadala ang nasa kabuuang 626 na atleta sa 31st SEA Games sa darating na ika-21 ng Nobyembre hanggang ika-2 ng Disyembre. —sa panulat ni Rashid Locsin