Hindi maka-a-apekto sa voter turnout ng ikalawang plebesito para sa Bangsamoro Organic Law ang mga pambobomba sa Sulu at Zamboanga City.
Ito ang tiniyak ng Malakanyang sa kabila ng pangamba ng Commission on Elections na maaaring maka-apekto sa botohan ang magkakasunod na pambobomba na ikinasawi na ng mahigit 20 katao.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, sa una lamang matatakot ang mga botante subalit sa oras na makita nila ang mga tropa ng gobyerno ay mapapawi na ang kanilang pangamba at ipagpapatuloy ang kani-kanilang pamumuhay.
Tiniyak naman na anya ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police ang kanilang pagtugis sa mga nasa likod ng pambobomba.
Isasagawa ang ikalawang BOL sa Lanao Del Norte, maliban sa Iligan City; mga bayan ng Aleosan, Carmen, Kabacan, Midsayap, Pikit, at Pigkawayan sa North Cotabato sa Pebrero 6.