Naghahanda na ang mga pampublikong ospital sa Quezon City kasunod ng naunang naitalang kaso ng monkeypox sa bansa.
Ayon sa lokal na pamahalaan ng QC, naglaan na ng mga isolation rooms ang mga ospital sa lungsod para sa mga tatamaan ng monkeypox.
Kabilang sa mga ospital na naghanda na ay ang Quezon City General Hospital, Rosario Maclang Bautista General Hospital, Novaliches district hospital.
Kung saan bukod ang mga kwarto ng mga pasyenteng suspected, probable, at may kumpirmadong kaso ng monkeypox.
Bukod pa rito, nakabuo na rin aniya ang QC health department ng mga paraan para mapigilan, agarang matukoy, maihiwalay ang mga kaso, at masubaybayan ang posibleng kaso ng monkeypox.
Sumailalim na rin anila sa oryentasyon ang mga medical personnel kung saan itinuro sa mga ito ang mga kinakailangang impormasyon tungkol sa virus, partikular kung paano maiwasan ang pagkalat nito sa isang indibidwal, sambahayan, at komunidad.