Inihayag ng Department of Education (DepEd) na kanilang papayagan ang mga pampublikong paaralan na gumamit ng hybrid learning set ups kung hindi uubra ang limang araw na face-to-face classes sa November 2.
Ayon kay DepEd Spokesperson Atty. Michael Poa, papayagan nila ang exemption sa kani-kanilang regional directors kung hindi kakayanin ng pampublikong eskwelahan na magpatupad ng 5 days in-person classes.
Sinabi ni Poa, na maging ang pribadong paaralan ay bibigyan din ng exemption sa klase dahil naiintindihan nila ang mga ito bunsod ng covid-19 pandemic.
Nabatid na maraming private school ang napilitang magsara dahil sa kakulangan ng pondo habang ang iba naman ay hindi na-meet ang enrollment targets.
Sa kabila nito, naniniwala si Poa na mas magiging “advantageous at beneficial” ang pagbabalik ng normal na klase para sa academic development at mental health ng mga mag-aaral.