Mas pinalakas pa ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang pagbabantay partikular na sa mga pampublikong sasakyan ngayong ibinaba na sa Alert Level 2 ang Metro Manila.
Ayon kay PNP Chief P/Gen. Dionardo Carlos, ngayong nasa Alert Level 2 na ang NCR ay hindi na ipinatutupad ang No Vaccination, No Ride Policy ng Transportation Department (DOTr).
Gayunman, pinaalalahanan ng PNP ang mga pampublikong tsuper na kahit wala na ang naturang polisya ay limitado pa rin sa 70% ang dapat kapasidad ng bawat sasakyan sa ilalim ng Alert Level 2
Dagdag pa ni Carlos, inaasahan na nila ang paglabas ng maraming tao ngayong wala nang age restriction sa mga pinapayagang lumabas kaya’t hindi rin sila titigil para tingnan at tiyakin kung nasusunod ba ang minimum public health and safety protocol para maka-iwas sa COVID-19.
Upang maiwasan muli ang “surge” sinabi ni Carlos na dapat huwag pa rin maging kampante ang publiko at dapat aniya’y matuto na ang lahat sa naging aral nang unang magbaba ng alerto sa NCR nuong panahon ng kapaskuhan. —sa ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)