Bunga lamang ng kapraningan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kaniyang naging mga pagbabanta sa mga grupong kumokontra sa kaniyang mga polisiya.
Ito ang banat ni Senador Antonio Trillanes IV bilang reaksyon sa pahayag ng Pangulo na lilipulin na nito ang mga militante na aniya’y kasabwat ng mga rebelde.
Giit ni Trillanes, natatakot umano ang Pangulo na magtuluy-tuloy ang imbestigasyon laban sa kaniyang mga umano’y tagong yaman kaya niya ginagawa ang mga gayung pananakot.
Sa kabila nito, sinabi ni Trillanes na kahit pa sinasabi ng Pangulo na panig siya sa militar, naniniwala siyang hindi kakampihan ng mga sundalo ang Pangulo lalo’t kung ang motibo nito ay ipapatay ang lahat ng mga pumupuna lamang sa kaniyang administrasyon.