Bigo ang mga tsuper ng mga pampasaherong jeep na mapasakamay ang pangakong cash cards sa ilalim ng Pantawid Pasada Program o PPP.
Kahapon sana nakatakdang ipamahagi ang cash cards bagamat nagkaruon pa ng seremonya sa punong tanggapan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB.
Ayon kay LandBank President Alex Buenaventura, hindi nai-release ang cash cards dahil nagpasya ang transport officials na ibigay na lamang ang lump sum na P5,000 sa halip na P833 kada buwan.
Nalaman nila aniya ang nasabing desisyon ilang minuto bago ang launching ng PPP.
Paliwanag naman ni LTFRB Chairman Martin Delgra, nagkaroon ng consensus ang mga opisyal ng DOTr at LTFRB na ipamahagi na lamang ang 10,000 cash cards na naglalaman ng tig-P5,000 kaysa sa buwanang 833 pesos.
Gayunman, ipinabatid ni Buenaventura na posibleng matagalan pa ang pamahahagi at maaaring mangailangan ng dagdag na pondo para mai-adjust ang laman ng cash cards o gawing lump sum na ang halaga.
Target naman maipamahagi ang cash cards sa Martes, July 17 at makumpleto ang distribusyon nito bago matapos ang buwang ito.